Wikang Filipino,Wikang Dakila
Akoy Pilipinong may wikang dakila
Na sadyang biyaya ng Amang lumikha
Sa tuwi- tuwina’y Pilipinong tunay
Pagkat ang wika ko’y tunog ng tagumpay
Ang wikang Pilipino ay maipagmamalaki
Na handog sa atin nitong salinlahi
Dugo at pawis na sadyang ibinuwis
Maabot lamang ang kalayaang nais
Hindi alintana ang dami ng wika
Filipino pa rin ang wikang sandata
Mga dayuhan ma’y hindi nagtagumpay
Sa kanilang nais na wika’y mawalay
Sinong magmamahal, sa wika kong ito?
Kung hindi tayong lahat kapwa ko Pilipino
Natatanging handog sa mga ninuno
At sa Panginoong nagbiyaya nito
Ang Wikang Filipino ay Wikang Inaral
Ako’y nagtataka sa tuwi-tuwina
Paano ka nabuo,mahal naming wika
O di naman kaya’y lahat ng salita
Ay sadyang namutawi sa aming mga dila
Maaaring hindi sinasadya
Ang pagkabuo mo ay isang himala
Ngunit wari’y banig na sadyang nilala
Na sa kalauna’y naging isang wika
Ang wikang Filipino ay wikang inaral
Nitong salinlahi ng lubhang kay tagal
Kapwa ko Pilipino ating ikarangal
Dulot nitong wika ay diwa at dangal
Sa pagsasalita Filipino dapat ang wika
Sa pagsasaliksik wag wikang banyaga
Pagkat sariling wika ay kasinghalaga
Nang yaman at sining sa wika ng iba
Bonifacio Day, Araw ng Supremo
Ngayo’y iyong kaarawan
Marapat na aming balikan
Ang iyong kadakilaan
At pag-asam ng kalayaan
Minsa’y minulat mo ang bayan
Ng baluktot na sistema at kaapihan
Ang buhay mo’y isang huwaran
Na dapat pamarisan ninuman
Sa aming mga puso’y nakaukit
Ang pagmamahal mo’t malasakit
Kailan ma’y di ka naakit
Sa ningning at yaman ng bansang mandaragit
Kapalaran minsa’y saiyo’y naging malupit
Hatol sayo’y abot langit
Ngunit tagumpay mo’y nakamit
Pagkat bayan ngayo’y kaakit-akit
Dasal ang Aming Alay sa Kapamilyang Nahimlay
Sa ating buhay ay hindi malaman
Kung saan ang yugto ng katapusan
Kaya’t habang humihinga’t may kakayahan
Gumawa ng mabuti at magmahalan
Paminsan- minsa’y atin namang pagnilayan
Ang mga mahal nating lumisan
Hindi ba’t kay sarap balik-balikan
Ang ala-alang nakaraan
Minsan tayo’y kanilang inalagaan
Dumating, nawala ng hindi inaasahan
Subalit wala yan sa haba ng pinagsamahan
Kung hindi sa saya na ating naranasan
Kaya’t sa araw ng kanilang kapistahan
Munting dasal nati’y ilaan
Nang atin man lang masuklian
Ang nagawa nilang kabutihan
Pamilyang Pilipino, Natatangi sa Mundo
Akoy Pilipinong namumukod tangi
Buhat sa sillangang kulay kayumanggi
Ang pinagmulan koy sari-saring lahi
Sapagkat ang bayan ko’y kabigha-bighani
Sa aking pamilya’y mababanaag
Ang kaugaliang maganda’t marilag
Pagmamahalan nami’y matibay at matatag
Kahit sa anumang unos ay di matitinag
Pagkalinga sa isa’t isa’y madarama
Pagkat buong pamilya’y samasama
Nagtutulungan sa lahat ng problema
Ang mariing utos ng aming ama
Mula pagkabata hanggang sa pagtanda
Kinabukasan nami’y aming ihahanda
Ang makapagtapos ang siya naming takda
Nang sa hinaharap, kami’y maging handa
Edukasyong Pangkalahatan, Maging Sino Ka Man
Sa makabagong panahon ng ating henarasyon
Edukasyon natin ngayo’y naglalayon
Imulat ang bawat isa sa tamang leksiyon
At tanggapin ang lahat ng may ambisyon
Kaya’t sa mga nagpupunyaging Pilipino
Dukha man, maharlika at matalino
Natatangi, talentado simple kahit na sino
Puwede ka rito kahit iba ang iyong ninuno
Hindi sapat na dahilan ang kaibahan
Para ang isang bata’y pagbawalan
Sa pagtupad ng kayang karapatan
At pag abot ng matingkad na kapalaran
Ang bayang nag aasam ng kaunlaran
Masusukat sa edukasyon ng mamamayan
Dahil angat ang may pinag-aralan
Sa lahat ng larangan maging sino ka man
Isinulat ni:
Virgilio B. Galan Jr.
Kalayaan Elementary School
Pasay City, Metro Manila