Menu
Philippine Standard Time:

Wikang Filipino,Wikang Dakila

Akoy Pilipinong may wikang dakila

Na sadyang biyaya ng Amang lumikha

Sa tuwi- tuwina’y Pilipinong tunay

Pagkat ang wika ko’y tunog ng tagumpay

Ang wikang Pilipino ay maipagmamalaki

Na handog sa atin nitong salinlahi

Dugo at pawis na sadyang ibinuwis

Maabot lamang ang kalayaang nais

Hindi alintana ang dami ng wika

Filipino pa rin ang wikang sandata

Mga dayuhan ma’y hindi nagtagumpay

Sa kanilang nais na wika’y mawalay

Sinong magmamahal, sa wika kong ito?

Kung hindi tayong lahat kapwa ko Pilipino

Natatanging handog sa mga ninuno

At sa Panginoong nagbiyaya nito

Ang Wikang Filipino ay Wikang Inaral 

Ako’y nagtataka sa tuwi-tuwina

Paano ka nabuo,mahal naming wika

O di naman kaya’y lahat ng salita

Ay sadyang namutawi sa aming mga dila

Maaaring hindi sinasadya

Ang pagkabuo mo ay isang himala

Ngunit wari’y banig na sadyang nilala

Na sa kalauna’y naging isang wika

Ang wikang Filipino ay wikang inaral

Nitong salinlahi ng lubhang kay tagal

Kapwa ko Pilipino ating ikarangal

Dulot nitong wika ay diwa at dangal

Sa pagsasalita Filipino dapat ang wika

Sa pagsasaliksik wag wikang banyaga

Pagkat sariling wika ay kasinghalaga

Nang yaman at sining sa wika ng iba

Bonifacio Day, Araw ng Supremo

Ngayo’y iyong kaarawan

Marapat na aming balikan

Ang iyong kadakilaan

At pag-asam ng kalayaan

Minsa’y minulat mo ang bayan

Ng baluktot na sistema at kaapihan

Ang buhay mo’y isang huwaran

Na dapat pamarisan ninuman

Sa aming mga puso’y nakaukit

Ang pagmamahal mo’t malasakit

Kailan ma’y di ka naakit

Sa ningning at yaman ng bansang mandaragit

Kapalaran minsa’y saiyo’y naging malupit

Hatol sayo’y abot langit

Ngunit tagumpay mo’y nakamit

Pagkat bayan ngayo’y kaakit-akit

 

 

 

 

 

 

Dasal ang Aming Alay sa Kapamilyang Nahimlay

Sa ating buhay ay hindi malaman

Kung saan ang yugto ng katapusan

Kaya’t habang humihinga’t may kakayahan

Gumawa ng mabuti at magmahalan

Paminsan- minsa’y atin namang pagnilayan

Ang mga mahal nating lumisan

Hindi ba’t kay sarap balik-balikan

Ang ala-alang nakaraan

Minsan tayo’y kanilang inalagaan

Dumating, nawala ng hindi inaasahan

Subalit wala yan sa haba ng pinagsamahan

Kung hindi sa saya na ating naranasan

Kaya’t sa araw ng kanilang kapistahan

Munting dasal nati’y ilaan

Nang atin man lang masuklian

Ang nagawa nilang kabutihan

Pamilyang Pilipino, Natatangi sa Mundo 

Akoy Pilipinong namumukod tangi

Buhat sa sillangang kulay kayumanggi

Ang pinagmulan koy sari-saring lahi

Sapagkat ang bayan ko’y kabigha-bighani

Sa aking pamilya’y mababanaag

Ang kaugaliang maganda’t marilag

Pagmamahalan nami’y matibay at matatag

Kahit sa anumang unos ay di matitinag

Pagkalinga sa isa’t isa’y madarama

Pagkat buong pamilya’y samasama

Nagtutulungan sa lahat ng problema

Ang mariing utos ng aming ama

Mula pagkabata hanggang sa pagtanda

Kinabukasan nami’y aming ihahanda

Ang makapagtapos ang siya naming takda

Nang sa hinaharap, kami’y maging handa

Edukasyong Pangkalahatan, Maging Sino Ka Man

Sa makabagong panahon ng ating henarasyon

Edukasyon natin ngayo’y naglalayon

Imulat ang bawat isa sa tamang leksiyon

At tanggapin ang lahat ng may ambisyon

Kaya’t sa mga nagpupunyaging Pilipino

Dukha man, maharlika at matalino

Natatangi, talentado simple  kahit na sino

Puwede ka rito kahit iba ang iyong ninuno

Hindi sapat na dahilan ang kaibahan

Para ang isang bata’y pagbawalan

Sa pagtupad ng kayang karapatan

At pag abot ng matingkad na kapalaran

Ang bayang nag aasam ng kaunlaran

Masusukat sa edukasyon ng mamamayan

Dahil angat ang may pinag-aralan

Sa lahat ng larangan maging sino ka man

                    Isinulat ni:                                                 

                     Virgilio B. Galan Jr.            

                     Kalayaan Elementary School   

                     Pasay City, Metro Manila