Menu
Philippine Standard Time:

Araw ng Pagtatalaga ng mga Babaeng Iskawt

Mrs. DARLENE C. ESCOBAR
TEACHER II

Noong Disyembre 14, 2024, ginanap ang makasaysayang Araw ng Pagtatalaga ng mga Babaeng Iskawt sa Kalayaan Elementary School. Ito ay isang mahalagang okasyon na naglalayong kilalanin at opisyal na italaga ang mga batang babaeng iskawt bilang bahagi ng Girl Scouts of the Philippines (GSP).

Sinimulan ang programa sa makulay na Pagpasok ng Kulay, na sinundan ng isang taimtim na Panalangin na pinangunahan ni Julia Isabel P. Carlos. Kasabay nito, buong diwa ring inawit ang Pambansang Awit at ang Himno ng Pasay sa pagkumpas ni Tita Alma M. Lacierna. Buong respeto naman ang isinagawa ang Panunumpa sa Watawat sa pangunguna ni Ashley Jezika M. Cajes.

Nagbigay ng mainit na pagtanggap si Tita Rialeza A. Castillo sa pamamagitan ng kanyang pambungad na pananalita. Sinundan ito ng isang mensaheng nagbibigay inspirasyon mula kay Gng. Emilia L. Tolentino, punongguro ng Kalayaan Elementary School, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagiging isang Girl Scout bilang simbolo ng disiplina, paglilingkod, at pagmamahal sa kapwa.

Ang pinakahihintay na bahagi ng programa ay ang Pagtatalaga ng mga Babaeng Iskawt. Isa-isang iniharap ang mga grupo, simula sa Twinklers, sinundan ng Star Scouts, at Junior Scouts. Ang pagtanggap at pagpapasinaya ay pinangunahan ni Tita Cristine E. Nolledo, School Coordinator ng GSP, na nagbigay ng opisyal na pagkilala sa mga bagong miyembro.

Bilang pasasalamat, isang taos-pusong mensahe ang ibinahagi ni Tita Menelyn S. Alangilan, habang ang programa ay opisyal na winakasan sa makabuluhang pananalita ni Tita Sarena E. Inalisan.

Ang buong selebrasyon ay naging matagumpay, puno ng saya, inspirasyon, at pagkakaisa. Ang Araw ng Pagtatalaga ng mga Babaeng Iskawt ay tunay na nagmarka ng panibagong kabanata ng pagkilos at pag-asa para sa mga kabataang babae ng Kalayaan Elementary School.